No. Hindi siya yung suki kong tindero ng balut o ng taho. Hindi rin siya yung madalas kong kainuman kapag umuuwi ako ng bukid. Hindi rin siya retired na boksingero going in cognito at suma-sideline bilang isang sindikato.
Si “Mang Victor Espinosa” ay naging parte ng kabataan ko. Siya ang nagturo sa akin ng mga planeta ng solar system. Oo. In a way, naging teacher ko si “Mang Victor Espinosa.”
At nakilala ko siya habang nanonood ng Sineskwela.
May kanta kasi noon sa Sineskwela na tungkol kay Mang Victor Espinosa. Isang kanta na mnemonics na din para matandaan ang pagkakasunod-sunod ng mga planeta.
At ganito yung kanta:
“Mang Victor Espinosa. Mag-Jogging Sa Umaga. Nang Pumayat. At hindi ka tumaba.”
At ang mga unang letra ng salita ay may katumbas na planeta.
Mercury. Venus. Earth. Mars. Jupiter. Saturn. Uranus. Neptune. Pluto.
At naging malaking tulong ang mnemonics na yan para matandaan at masaulo ko ang pagkaka-sunod sunod ng mga planeta. Hanggang ngayon na mahigit dalawampung taong gulang na ako, ginagamit ko pa rin yan.
Kaso, kailan lang, idineklarang hindi na daw planeta ang Pluto. Kaya dapat siguro ay gumawa ng bagong kanta ang Sineskwela.
Kaso, anak ng syoktong naman! Wala na ngayon yung mga eduacational at de kalidad na palabas noong dekada nobenta. Ngayon, puro anime, sampalan, teleserye, Wowowee, at lampungan.
Masuwerte kaming mga kabataan na nagkamalay noong dekada nobenta, Nilasing kami ng mga educational na palabas katulad ng Sineskwela, Hiraya Manawari, Bayani, Epol Apple, Math-Tinik, at Pahina. Nilunod kami ng mga educational na palabas na nakatulong sa aming pag-aaral.
Oo. Meron pa nga ngayon kaso kung hindi man sa VHS, VCD, at DVD, sa mga cable channels na lang. At obvious naman sa atin na hindi afford ng masa at ng mga dukha ang ganoong serbisyo.
Isang panawagan sa mga executives ng mga higanteng istasyon: Sana po ay ibalik ninyo ang mga educational na palabas. Para naman may alternative learning ang mga kabataan. Nakaka-bobo na kasi ang ilang mga palabas ngayon sa Telebisyon.
Masuwerte kaming mga nagkamalay noong dekada nobenta. At masuwerte akong nakilala ko si Mang Victor Espinosa.
Pag-ibig at kapayapaan para sa ating lahat. Padayon!

