Hindi ko mawari kung bakit nasagi sa isip kong tanungin ang isa kong kaibigan sa kalagayan ng bayan nila. Narito ang buong kwento ng aming naging usapan at puno’t dulo ng aking pag-uusisa:

“Ito ay dahil sa kasagsagan ng eleksiyon noon, maingay sa balita at talagang matunog ang bayan nila sa mga kandidato na nag-aagawan sa isang posisyon. Ang isa sa kandidato ay baguhan pagdating sa pulitika, sinasabing mabait at sinasabing para sa ikabubuti ng kanilang bayan. Ang kanyang mga kalaban naman, ang isa na nanatiling nasa kasalukuyang posisyon at muling tumatakbo upang siya ay muling maluklok at ang ikalawa na kilalang kandidato sa kanilang bayan ay parehas hindi ganoon kaganda ang imahe pagdating sa mga tao roon.

Pagkatapos ng eleksyon, nanalo ang baguhan, ang sinasabi nilang makabubuti para sa kanilang bayan. Taliwas sa sinasabi ng karamihan sa kanilang bayan, pagkalipas ng ilang buwan na panunungkulan, parang wala namang nangyayari sa kanilang bayan. Hindi nila nalalaman ang mga ginagawa ng nasabing bagong pinuno, hindi sa dahil wala siyang ginagawa, hindi lang talaga nararamdaman ng mga tao doon ang kanyang presensya. Hindi tuloy nila mapigilan ang pakiramdam ng pagsisisi, dahil daw noong nanunungkulan pa ang sinasabi nilang nagnanakaw ng kaban ng bayan, nakikita naman nila ang iba’t-ibang mga proyekto at kaayusan sa kanilang bayan.”

Iyan ang buod ng aking pag-uusisa. Kung susuriin mo, yung taong sinasabi nilang sa ikasasama ay ang taong isinantabi muna nila at yung taong sinasabi nilang sa ikabubuti ay yung taong pinagsisisihan nila. Magnanakaw ang may ganang magtrabaho at maglingkod, at ang mabuti ay tamad? Nakalilito.

Isang bayan lang yan. Kung lalakihan ko ang aking paguusisa, sa nakaraang presidente ng ating bansa, maraming nagsasabi na noong panahon ni Marcos maayos ang ating bansa at nagsimula tayong lumubog nang siya ay napalitaan. Sa ngayon, kaliwa’t kanan ang siraan sa mga tumatakbong pangulo at ang masama pa nito marami ang napaniniwala nila. Ganito na ngayon katindi ang labanan, hindi mo na masabi kung sino ang nagsasabi ng totoo at ang hindi. Hindi mo na nga rin maintindihan kung sino ang iboboto mo, ang kilalang mabuti na maaaring walang magawa para sa ating bayan o ang nagsasabing maraming magagawa subalit kilala sa batikos?

Sa ngayon, habang binubuo ko ito, naisip ko na kung maniniwala ko sa sinasabi nilang ikabubuti siguro masusubukan ko kung ano ang kanyang magagawa. Kung hindi naman ako maniniwala sa sinasabi nilang makasasama sa ating bansa, hindi rin naman ako nakasisiguro kung totoong sa gagawin niya walang matinding kasamaang mangyayari.

Tandaan niyo lang na sa darating na eleksyon dito sa Pilipinas huwag kayong mag-alala sa kung sino man ang iboboto ninyo. Huwag niyong doblehin ang paghihirap sa pag-iisip, kung sa tingin niyo, para sa inyo, mas nakalalamang ang isa, siya na ang piliin ninyo. Huwag kayong makipagtalo. Gawin niyo kung ano ang sa tingin ninyong makabubuti at huwag kayong magsisisi! Dahil sa huli, ang Diyos pa rin natin ang may hawak ng ating kapalaran, nasa atin lang ang kapangyarihang mamili.